Wednesday, March 7, 2012

wikang filipino sa panahon ng globalisasyon

Wikang Filipino sa Panahon ng Globalisasyon


Ano na ang nangyari sa ating sariling wika? Tila nilamon na ito ng mga wikang banyaga, partikular ng wikang Ingles. Kung mapapansin mo sa araw-araw na pamumuhay ng isang karaniwang Pilipino, hindi maaaring sa isang kaswal na talakayan ay hindi siya gumamit ng wikang Ingles. Tila natural na sa kanya ang paghalo ng wikang Filipino at wikang Ingles upang ihatid ang mensaheng nais niyang iparating sa kausap. Marahil, hindi lang talaga kaya ng mga Pilipino na makipag-usap na gamit lamang ang sariling wika.
May mga nagsasabing ang dahilan kung bakit nagkaganito ang mga Pilipino ay sa kadahilanang kapos ang kanyang kaalaman sa sariling wika. Tila wikang banyaga sa kanya ang sariling wika. Kahit simula elementarya ay mayroon tayong asignaturang Filipino pero bakit nagkakaroon ng kakulangan ng kaalaman sa paggamit ng ating sariling wika? Biruin mo, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa sekondarya, at kung suswertehin ay apat na semestre sa kolehiyo. Ito ay mahigit 10 taong pag-aaral ng sariling wika, subalit bakit hindi naging bihasa sa sariling wika ang mga Pilipino? Karaniwan ay tila bihasa pa sa wikang Ingles ang isang estudyante. 
Marahil sasabihin mo na hindi naman lahat ay mas magaling mag-Ingles kaysa sa Filipino. Oo nga, marami ring estudyante na baluktot at nakakatawa mag-Ingles pero lahat naman tayo ay baluktot rin magsalita ng sariling wika. Napansin mo ba na sadyang mas mahirap gumawa ng isang pormal na sulat gamit ang Filipino kaysa Ingles? Naalala ko tuloy noong pinagawa kami ng diskors sa Filione, halos lahat ay umangal marahil dahil nahihirapang gumawa ng isang kritikal na sulatin gamit ang wikang Filipino. At noong nakita ng aking mga kamag-aral ang aking nasulat na diskors medyo natawa at bumilib sila sa mga ginamit kong salita. Sabi nila ang lalim ko daw mag-Tagalog. Ako ay natawa sapagkat alam ko ang kamangmangan lamang nila sa wika ang nagtulak upang sabihin iyon. Sa katotohanan ay hindi naman malalim ang mga ginamit kong salita. Ito ay mga karaniwang salita lamang sa Filipino. May mga pagkakataon pa na sila ay nagtatanong kung ano sa wika natin ang ibang salitang Ingles. Tila mas malawak pa ang bokubolaryo nila sa Ingles kaysa sa Filipino.
Minsan naman ay nakausap ko ang aking isang kaibigan na nagtatrabaho na. Ibinilin niya sa akin na kailangan kong magpakabihasa sa wikang Ingles para matanggap sa isang magandang kompanya. Mula daw sa interbyu hanggang sa araw-araw na pagtatrabaho ay kakailanganin ko raw ang kabihasaan sa wikang Ingles. Tama siguro siya sa isang banda. Ang Ingles ay wika ng globalisasyon kaya marahil kailangan ko ito upang makapasok sa isang malaking kompanya. Pero teka lang, bakit nga pala noong ako ay lumahok sa miting na may kasamang mga Koreano at Hapon, bakit sila ay hindi naman ganun kabihasa mag-Inggles? Bakit sila ay mayroong magandang trabaho kahit na mas magaling pa mag-inggles ang isang Pilipinong nasa unang baitang?
Napakaswerte na mga ibang nasyon dahil pinapahalagahan nila ang sariling wika, tulad ng mga Intsik, Hapon, Koreano, Pranses, at marami pang iba. Kung makikita mo sa kanilang bansa, pinilit ng mga multinasyonal na kompanyang isalin sa kanilang wika ang mga produktong kanilang ibinibenta. Kung makikita mo sa kanilang mga pangkaraniwang ginagamit sa araw-araw, tulad ng sabon, syampu, gamot, at kung ano-ano pa, ang mga direksyon nito ay nakalimbag sa kanilang sariling wika. Samantalang sa atin ay nakasulat ito sa wikang banyaga. Pati nga ang ating mga batas ay nakasulat sa wikang banyaga. Paano naman maiintindihan ng isang karaniwang Pilipino ang mga batas na kailangan niyang sundin kung ito ay pangunahing nalathala sa wikang banyaga. Oo nga, baka kasi higit na malito ang Pilipino sa sariling wika. Baka mas kailangan pa niya ng diksyunaryo upang maintindihan ito kung nakasulat sa Filipino. Minsan din ay nakakita ako ng isang desisyon ng korte. Mayroon itong 20 pahina na komplikadong nakasulat sa Ingles. Paano naman maiintindihan ang desisyon ng korte kung isusulat ito ng sobrang komplikado sa ibang wika? Bakit hindi na lang Filipino ang ginamit para dito? Naisip ko nga na baka pati ang batas natin ukol sa Wikang Pambansa ay nakasulat din sa wikang banyaga.
Bakit ba kasi hindi natin magamit nang maayos ang ating sariling wika? Bakit mas ninanais natin na maging bihasa sa wikang banyaga? Bakit kasi kulang ang pagpapahalaga natin sa sariling wika? Bakit parang nandidiri tayong magsalita ng sariling wika sa mga pagtitipon? Bakit parang baduy ang isang Pilipino kung Filipino ang kaniyang gagamitin? Bakit parang nagsisilbing mas astig ka kung magaling ka mag-Ingles? Bakit kasi mahilig ang karamihan sa atin na ipakita na angat tayo sa buhay sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Ingles?
Wala akong galit sa mga nagsasalita at bihasa sa Ingles. Ako rin naman ay may kaalaman sa wikang ito. Alam ko rin na kailangan natin ito dahil sadyang nilamon na tayo ng koloniyalismo. Nilamon na tayo ng mga imperyalistang bansa. Ang sa akin lang ay sana maging pamilyar at bihasa tayo sa sariling wika. Huwag natin itong ikahiya. Hindi naman kasi nakakahiya na gamitin ang ating sariling wika sa pakikipag-usap. Kung nakakahiya ang wikang Filipino, nakakahiya ang maging isang mamamayang Pilipino.

No comments:

Post a Comment